Sa likod ng isang ospital sa gilid ng isang ilog nakatira si Bing kasama ang kanyang maysakit na ina. Mula nang paalisin sila noong nakaraang taon sa kanilang inuupahang kwarto sa sentro, dito na sila tumuloy pansamantala. Naisip ni Bing, kung hindi na gagaling ang kanyang ina baka nga dito na sila habambuhay.
Hindi na makapaglakad ang kanyang ina dahil sa hindi gumagaling na mga sugat sa paa dulot ng palagiang paglalakad. Sabi ng doktor sa center, dyabetes daw ito at kailangan ng tuloy-tuloy na gamutan. Dahil walang maipambili ng mga gamot, lalong lumala ang mga sugat nito sa paa at nahirapan na rin itong kumilos mag-isa.
“Inang, dito lang kayo ha, itutuloy ko lang po ang pamumulot” paalam ni Bing sa nakahigang magulang.
“Sige anak, mag-ingat ka ha,” sagot naman ng kanyang Inang.
Naglakad na ang binatilyo papalayo sa kanilang tirahan kung saan nakatayo ang maliit nilang barung-barung. Ganito araw-araw ang ginagawa niya, sa umaga ay taga-benta ng dyaryo sa lansanga at sa hapon ay magbobote na umiikot sa bahay-bahay. Sa gabi ay magiikot ito sa mga lansangan sa gabi para doon naman maghanap ng mga bote.
Ngunit ngayong gabi, hindi siya magiikot sa lansangan, may iba siyang pupuntahan.
***
Nagigising bago tanghalian si Julio. Babangon at magtutungo sa kaniyang kusi-kusinahan at sisilipin ang laman ng nakabalot na plastic sa mesa.
“Balatong at tinapa na naman, nakakasawa na.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na siya ay nagreklamo sa pagkain na ibinibigay sa kanila tuwing kainan. Sa katunayan, ang buong buhay niya sa lugar na ito ang kinakasawaan niya.
Mahigit sampung taon na rin siyang anawnser ng bingo sa peryahan. Nakakapagod at hindi madali ang buhay niya dito. Mula nang ipasok siya nang kaibigan niya dito, ganito na naging kontrolado ang kanyang buhay. Buwan-buwan na lamang ay kailangan nilang maglipat sa isa pang bayan. Lilibutin nila ang bawat pyesta ng lahat ng bayan sa kanilang probinsya.
Nakakalabas lamang sila pagkatapos ang pyesta dahil dito muna sila lalagi hanggang tuluyan nang maayos ang lahat ng gamit na isasama sa susunod nilang pupuntahan. Ginagamit niya ang mga panahong ito upang magpahinga kaysa mamasyal at gastusin ang sweldong ibinibigay sa kanila. Iniipon niya kasi ito para sa pinapangarap niya sa buhay—ang magkaroon ng sarili niyang pamilya.
Pagkatapos hugasan ang pinagkainan, kinuha niya ang kanyang bolpen at papel na ginagamit sa pagkuha ng mga taya at nagsimulang magsulat. Iniabot niya kay Inyong, ang kanang kamay ni Mang Eddie ang tagapamahala ng perya, ang sulat para sa kanilang amo. Bumalik na siya sa kanyang higaan sa loob ng binguhan at pinilit kumuha ng tulog. Sa hapong iyon, magsisimula pa lamang ang kanyang araw.
***
Hindi ito ang una niyang pasyal sa perya. Naalala niya nung isang taon, dito sila nakakuha ng maraming bote kaya dito niya naisipang bumalik ulit. Isa pa, naalala niya ang huling araw na nagkasama silang sumigaw, tumawa at nabigo ng kanyang nanay—sa paglalaro ng bingo.
Paborito ng kanyang inang na laruin ang bingo kahit saan. Sa kapitbahay noon sa kanilang inuupahan, sa opisina ni kagawad De Guzman kung saan malakihan ang pustahan, at syempre sa peryahan tuwing pyesta. Kaya hindi nakakapagtaka kung bakit ipinangalan sa kanya ay Bing, kulang na lang ng “O” para maging BINGO. Sabi ng tatay niyang namatay dahil sa away sa sugal dalawang taon na ang nakaraan, para daw kasing aso pag bingo, kaya tinanggal nila yung “O.”
Siniksik niya ang kanyang sarili sa dami ng taong namasyal sa gabing iyon. Wala parin itong pinagbago. Sa kaliwa niya ang mga sasakyan na magpapabilis ng pintig ng puso mo—ang caterpillar, ferris wheel, at ang horror train. Sa gitna naman ay ang mga sasakyan para sa mga bata—ang chubibong laman ang iba’t ibang hayop, ang eroplanong iba’t ibang kulay at kotse-kotseng hindi mahabol ang isa’t isa.
Sa kanan nakapwesto ang circus, sina Jasmin at Erica ang kambal na sirena, ang kulungan ni Benjie ang higante, at si Zuma ang babaeng may kakanyahan umano na makipagusap sa mga ahas, bayawak at ulupong. Andyan rin ang walang takot na drayber ng motorsiklo na nagpapatakbo ng mabilis para makaikot sa isang pabilog na daan.
Sa gitnang bahagi ay ang iba’t ibang palaro ng sugal, tsamba at swerte. Andyan ang ABC kung trip mong hilain sa iyong mga kamay ang kapalaran mo. Ang color game na kailangan ay mapunta ang bola sa kulay na tinayaan mo. At syempre ang paghagis ng bentsingko na kapag sumakto sa sukat ng hugis parisukat na hangganan ay maaari kang manalo ng pee-wee o zest-o juice.
Hindi na kailangang hanapin ni Bing ang pakay niya sa gabing iyon. Kitang-kita niya ito dahil ito ang may pinakamalaking sakop na espasyo katabi ang iba pang color games.
Pumuwesto na siya sa isang upuan sa gilid at nagbayad. Dati ay P5 lamang ang bayad dito, ngayon pala P10 na. Hinugot niya ang lumang sampu na tinatago niya at inabot ito sa kubrador. Kinuha ang numero ng mesa niya kung saan nakalatag ang anim niyang cards at minarkahan ito ng check gamit ang chalk.
Ilang sandali pa ay nagsimula nang gumulong ang tambyolo at nagsimula na ang pagbasa ng mga numero. Maraming patterns na pwedeng mabuo upang manalo. May apat na sulok, krus, letrang pa-V, kahon, diamond, deretso, at diagonal.
Dasal ni Bing, “sana
kahit isa man lang sa mga pattern na yan mabuo ko.”
***
“Sa letrang G,” sigaw ni Julio sa mikropono, “highway.”
Narinig niyang may isang nagtanong sa katabi niya, “ano yung highway?”
“Sa mga baguhan, highway 54,” “G, 5-4.”
“Sa letrang I, duling, 23”
Patuloy pa rin ang pag-ikot ng tambyolo. Ilang numero na ang lumabas pero wala pa ring nananalo, naiinip na siya.
“Sa letrang I ulit…” natahimik siya ng sandali. Naalala niya nang una silang magkita ni Anna. Hindi siya ang pinakamagandang babaeng nakita niya, pero alam niyang siya na ang babaeng hanap niya. Simple ito at mahinhin. Siya ang unang babaeng bingyan niya ng bulaklak.
Kahit ganoon lang ang trabaho niya, hindi ito naging hadlang para hindi siya pagtuunan ng pansin ni Anna. Kasama niya noon ang pinsan niya nang maglaro sila isang beses ng bingo. Habang binabasa niya ang numero 27, napukaw ang kanyang paningin sa presensya nito.
Mula matapos ang perya sa kanilang lugar, araw-araw na bumisita ito sa hiling na rin ni Julio. Bago sila tuluyang umalis sa San Simon, nangako siyang babalik ito upang hingin ang kamay niya sa kanyang mga magulang. Magsasaka ang magulang ni Anna at sabi nito’y maaaring makisaka si Julio sa kanila. Doon
na rin sila maninirahan sa San Simon habang buhay.
“Ano na? ano yung numero? Ano ba naman, may puro na nga ako eh!” sigaw ng isang naghuhuramentadong babae. Ito ang nagbalik sa kanya sa realidad.
“I, dos-syete, 27,” pagtutuloy niya.
Naka-labin limang bola na rin sila pero wala pa ring tumatama. Sana sa bolang ito, may tumodas na.
“Sa Ooooo….” Lalo pang umingay ang mga hiyawan ng mga tao. May sumigaw ng kalbong 70, merong anejo rhum 65, merong baliktaran 69. kinuha niya ang bola sa bukana ng tambyolo.
Tinignan niya ito at kinilatis sabay basang, “pasang awa, 75!”
At sa di kalayuan mula sa kanya, may sumigaw ng bingo. Timing lang na may nanalo na. Lumapit kasi si Inyong sa kanya at may binulong. Tinawag niya muna si Pakito para palitan siya nito. Sa gabing iyon, tapos na ang kanyang trabaho.
***
“Hindi pwede.” Ito ang una niyang narinig nang pumasok siya sa maliit na opisina ng pinakamakapangyarihang tao sa perya.
“Ano ang hindi pwede?” gulat na sagot ni Julio.
Lumapit sa kanya ang matanda mula sa pagkakaupo nito sa kanyang higaan.
“Hindi ka maaaring umalis dito sa perya, nandito na ang buhay mo. Anong mangyayari sa iyo sa labas pag umalis ka dito?” tanong ng matanda sa kanya.
Ipinaliwanag nito ang pagmamahal niya kay Anna at hanggang saan ang kaya niyang isakripisyo alang-alang sa kanyang minamahal—kahit pa ang ibig sabihin nito ay kailangan niyang iwan ang perya. Sinabi niyang may sapat siyang ipon para makapagpatayo ng maliit na kubo sa sakahang bukid nila Anna. Pansamantala siyang tutulong sa pagsasaka ng inuupahang bukid nila at pag swinerte ay makakuha ng trabaho sa sentro.
“Simple lang naman ang gusto ko Mang Eddie, gusto kong magkaroon ng sarili kong pamilya. At hindi ko magagawa iyon kung…”
“Kung ano? Kung dito ka lamang sa peryahan?” pagtutuloy ni Mang Eddie. Bahagyang napuno ng katahimikan ang kwarto. Ilang sandali pa nasa pintuan na si Mang Eddie at humarap sa peryahan.
“Madami na akong naging kasama dito sa perya na sinubukang lumabas ngunit nabigo silang lahat. Sa huli ay nagmakaawa na tanggapin ko ulit sila. Pero hindi ko na sila tinanggap pang muli, mahirap ang buhay Julio at maraming nangangailangan ng trabaho.
“Alam ko ang aking pinasok at kung sakaling magbago man ang isip ko, hinding-hindi narin ako babalik dito.” Nakapagusap na sila ni Anna at napagkasunduuang aalis siya rito at sasama sa kanya. Hindi rin kasi kayang iwan ni Anna ang kanyang pamilya.
Sa puntong iyon, hindi na niya alam ang kanyang sasabihin. Siguro nga, hindi niya ito makukumbinse at payagan itong umalis.
“Ganito na lang ang usapan natin Julio para malinaw ang lahat, hindi ba’t malapit na ang sabado kung saan lalaruin ang jackpot?” pahayag ni Mang Eddie. Tumango lang si Julio.
“Kung may mananalo sa jackpot sa sabado, papayagan na kitang umalis sa peryahang ito,” dugtong ng matanda.
“Ha? Hindi ba’t talaga namang may nananalo ah?” sumbat ng nawawalan na ng pasencya na si Julio.
“Oo naman pero alam mo ang tinutukoy ko. Madami tayong bayarang pakalat-kalat diyan para pag sila ang mananalo, hindi lalabas sa perya ang pera. Alam mo yan, mahigit tatlong buwan na sila lagi ang nananalo. Ngunit ang sinasabi ko ngayon ay yung totoong mananalo. Yung hindi natin bayaran, yung sisigaw ng bingo at mananalo ng sampung libong piso”
***
Mula nang manalo noong isang gabi si Bing ay hindi na ito mapakali. Natuwa ang kanyang inang nang gabing umuwi siya bitbit ang isang supot ng pansit at maraming barya.
Hindi lang ito ang inuwi niya, binawas na rin sa kanyang napanalunan ang isang card na maaari niyang laruin sa huling araw ng perya. Ayon sa nagbigay ng premyo sa kanya, sampung libo daw ang jackpot kapag ikaw ang mapalad na mananalo ng blackout game sa sabado.
Kadarating lang niya sa kanilang munting tahanan kung saan nakadungaw ang kanyang ina sa katabing maduming ilog. Mula nang mamatay ang kanyang ama dalawang taon na ang nakaraan at magkasakit naman ang ina niya noong isang taon, hindi na nakasama ang kanyang ina sa kanya sa paghahanap-buhay. Iniiwanan nalang niya ito ng lugaw na tinda ng kapit-bahay bago siya magtinda ng diyaryo.
Dadaan siya sa tanghali sandali para ihatid ang kanin at ulam na nabili sa karinderya sa kanto gamit ang kanyang kita sa umaga. Itutuloy niya ang kanyang araw sa paglilibot sa bawat bahay at pagbili ng bote at bakal.
Darating siya ng mga alas singko ng gabi para magpahinga at ihain ang ulam na binili niya mula sa napagbentahan sa junk shop. Kung suswertehin gaya
ng nangyari kagabi, bumibili siya ng pansit sa sentro na paborito ng kanyang nanay. At kapag ordinaryong araw, sabaw at tinapa lang ang ulam nila
“Inang, kung manalo tayo bukas, hindi lang yan ang iuuwi ko. Kakain tayo ng lechon manok, bibili rin ako ng prutas—mansanas, grapes at iba pa.
” bungad ni Bing sa kanyang ina.
“Ipagdasal niyo Nang na sana
ay swertehin tayo,” dagdag pa niya. Sa pagsabi nito, inilabas niya ang card na itinago niya sa kahon na lagayan nila ng mga damit. Pinikit niya ang kanyang mga mata at unti-unting dinampi ang labi nito sa papel.
Sabay silang kumain ng kanyang nanay at pagkatapos nun, hinugasan niya ang kanilang pinagkainan sa poso ng kapitbahay. Natulog siyang hindi natapos ang kanyang panalangin. Aniya, alam naman na niya kung ano ang sasabihin niya eh kaya ok na yun.
Sa sentro naman, hindi makatulog si Julio. Doon
lamang siya kinabahan sa buong buhay niya. Walang siyang kasiguraduhan, hindi niya alam kung sino ang mananalo. Basta ang iniisip niya, kung meron mang tamang oras na makaalis siya, ngayon na yun. Inempake na rin niya ang kanyang mga damit, aniya maganda na iyong maging handa.
***
Punong-puno ng mga manlalaro, usisero at taga-masid ang bingguhan sa gabing iyon. Iyon ang tinatawag nilang big night. Umupo na sa kanyang pwesto si Julio sa harap ng tambyolo sa gitna ng mga tao. Si Bing naman ay nakatayo malapit sa sound system, maganda na aniya ang marinig ang numero ng klaro kahit nakabibingi ang ingay nito.
Sa pag-ikot ng tambyolo ay lumakas ang sigawan at palakpakan ng mga tao. Animo’y parang nanood ng laban ng boksing sa tv kung saan sinasabi ng anawnser sa pagsisimula ng laban na, “let’s get ready to rumble.”
“Eto na mga kaibigan…markahan niyo na ang unang numero, under N bang-bang-bang!, 45,” pasimula ng anawnser.
“Under I, 18, dalaga na si Maria.”
“Sa letrang B, kasama ni B1, B dos.”
Nagpatuloy ang laro hanggang ilang numero na lamang ang natitira sa umiikot na tambyolo. Tinignan ni Bing ang card niya, tatlo na lang ang kailangan niyang numero. Sumilip siya sa kalaro, isa na lamang ang kailangan nito. Lalo siyang nabahala.
“May mga puro na ba kayo? mukha yatang tensyonado na kayo at wala na akong naririnig na ingay sa inyo,” pang-aasar ni Julio sa mga manlalaro.
“Bingo!” sigaw ng isang lalaki malapit sa sound system. Natulala lahat ng tao, walang gustong gumalaw. Lalo silang natahimik at natuon ang kanilang mga mata sa lalaking sumigaw ng salitang gusto nilang sila lamang ang dapat magsabi.
“Oops, teka lang po mg kaibigan, mayroon akong narinig na sumigaw ng bingo,” gulat na pahayag ng anawnser. Kilala kasi nito ang boses ng lalaking sumigaw at dito siya lalong kinabahan
“kailangan muna nating tignan kung tumama nga siya,wag na wag nyo munang itapon ang cards nyo, baka hindi pa huli ang lahat…”
Kinumpirma ng checker na wala pang lumalabas na N-33 kaya hindi pa ito blackout. Inihayag ng anawnser na itutuloy ulit ang laro at dapat ay makinig mabuti ang lahat. Sa loob-loob niya ay nakahinga siya ng maluwag. Naglabas pa siya ng dalawa pang numero pero wala pa ring tumatama. Hindi na mapakali ang mga tao. Lahat ay nakaantabay sa bawat salitang bibigkasin ng anawnser.
Ramdam ito ni Julio kaya tinanong niyang muli ang mga ito, “wala pa bang bingo sa inyo? Ang tagal na natin dito ah”
“Ito na ang susunod na numero, mula sa letrang I…”
***
Matapos magpaalam sa kanyang mga kasamahan, kinuha niya ang kanyang bag na puno ng mga damit at tumakbo papalayo sa peryahan. Tumakbo siya hindi para layuan ang lugar na iyon, tumakbo siya para habulin ang mga oras na sana
ay kapiling niya ang kanyang mahal na si Anna.
Ang isa naman ay naglakad ng dahan-dahan palabas ng perya. Naisip niya, bibilhan niya ang nanay niya ng pansit sa bayan at magpapakabusog sila sa lechon manok. Bibili rin siya ng prutas at gamot para sa karamdaman ng kanyang inang. Sa paglabas ng perya, dahan-dahan niyang ninamnam ang tagumpay ng swerte.